Ipinahayag ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) na huwag nang bigyang malisya ang sinasabing overpriced na fertilizer na ipinamahagi sa panahon ng pandemya.
Tugon ito ni FPA Executive Director Wilfredo Roldan sa mga gustong paimbestgahan ang fertilizer issue.
Sa virtual presser sa Department of Agriculture (DA), sinabi ni Roldan na wala siyang nakikitang problema sa mga gustong kumwestyon sa sistema ng pagbili ng ahensya ng fertilizer, pero dapat na gawin ito sa paraang hindi mapanirang puri.
Aniya, wala siyang nakitang overpriced dahil konti lang ang diperensya sa presyo at maituturing na abot-kaya.
Sabi pa ni Roldan, ang P1,000 bidding price ay maituturing nang makatwiran dahil mababa na ito sa national average price.
Huwag na aniyang lagyan ito ng malisya dahil nakatutulong ito sa mga magsasaka sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ipinaalala naman ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na maaari nang kunin ng mga magsasaka ang libre nilang Urea fertilizer.
Kailangan lamang bumili ang mga ito ng dalawang bags ng Urea at kinakailangan lamang nilang ipakita ang resibo sa kanilang mga municipal agricultural office upang mapalitan ng dalawang libreng bags ng Urea fertilizer.