Naniniwala si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na target talaga ng naging pag-atake ng New People’s Army noong Hunyo ang FEU football player na si Keith Absalon.
Sa virtual press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ito ay dahil sa popularidad ni Absalon at sa aktibong pagpo-promote niya ng sports sa mga kabataan na kontra sa adbokasiya ng mga communist terrorist groups (CTGs).
Nais din aniya ng CPP-NPA-NDF na manakot sa harap ng patuloy na pagsuko ng mga miyembro nila sa Masbate.
Ayon kay Esperon, naghain na ng kaso sa korte ang Regional Task Force (RTF) sa Bicol laban sa CPP-NPA-NDF at mga key personalities nito dahil sa pagpatay kay Keith at pinsan nitong si Nolven.
Matatandaang noong Hunyo 6, nagbibisekleta ang dalawa nang masabugan ng landmine sa bahagi ng Barangay Anas, Masbate.