“Focus now must be on Congress [Magpokus tayo ngayon sa Kamara]” ang naging huling paalala ni Far Eastern University Institute of Law dean at dating broadcaster na si Atty. Melencio Sta Maria sa taumbayan sa kanyang live webcast na pinamagatang “Interview with Dean Mel Sta. Maria”.
Ang interview ay umikot sa pagsagot sa mga katanungan tungkol sa pagpapahinto ng pagbroadcast ng ABS-CBN at kung ano ang mga legal na konsiderasyong umiikot sa napasong prangkisa ng nasabing media giant.
Ika-apat ng Mayo ay tuluyan nang napaso ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN na mag-operate ng mga tv at radio broadcasting stations sang-ayon sa Republic Act 7966.
Sa legal niyang pananaw ay batas ang nagawad ng prangkisa sa ABS-CBN ay dapat batas din ang magpapalawig sa buhay ng prangkisang ito.
“Isang statute rin po at legislation ang makakapagpalawig ng buhay ng prangkisa [ng ABS-CBN]. Wala na pong iba,” pagdiin ni Sta. Maria.
Kontra ito sa pagdiin ng ABS-CBN at ilang kongresista na nagsasabing ang pagtigil ay dahil sa hindi pagpayag ng National Telecommunications Commission (NTC) na magbigay ng Provisional Authority.
Ayon sa abogado, ang “mere joint resolution” na mas mababa sa batas kahit magmula sa Kongreso ay hindi sasapat [upang mapahaba ang buhay ng prangkisa ng ABS-CBN].
“Kung ang prangkisa ay iginagawad ng Kongreso, may kapabayaan po ang Kongreso,” saad ni Sta. Maria matapos hindi i-usad, pinagu-usapan at tinapos ng Kongreso ang pagbabalangkas prangkisa bago pa magtapos ang Marso.
Ito rin ang naging sigaw ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na nagpahayag na ang dapat sisihin ay ang mga miyembro ng mababang kapulungan na tumangging dinggin ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN bago ito mapaso.
Umamin naman ang oposisyon na si Buhay Partylist representative Lito Atienza, na siyang patnugot ng panukalang ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, na Kongreso ang may kasalanan at “scapegoat” lamang ang NTC sa nasabing kapabayaan ng Kongreso.
“I would like to apologize for the failure of Congress to do its job. Kasalanan namin ito eh. Kasalanan ng Kongreso ito. But more important, I’d like to say, squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan,” ani ni Atienza.
Si Solicitor General Jose Calida naman na isa sa mga nagbabala sa NTC laban sa paggawad ng provisional authority sa ABS-CBN sa kabila ng kawalan ng balidong prangkisa ay nagsabi rin na ang dapat nating tinatanong ay “bakit hindi ito inaksiyunan ng Kongreso? Na siyang may kasalanan dito.”