Aminado si National Head Coach Yeng Guiao na nahihirapan siya sa pagpili ng mga manlalarong bubuo sa line-up ng Gilas Pilipinas na sasabak sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Kasunod na rin ito ng pagpapaliban ni Guiao sa pagbulgar sa 12-man roster ng Gilas.
Paliwanag ng beteranong coach, aalamin muna nila kung maihahabol ng ilang player ang ilang mga dokumento tungkol sa kanilang citizenship bago niya isapubliko ang line-up.
Base sa regulasyon ng FIBA, para maituring na “citizen,” kailangan munang makakuha ng pasaporte ang player sa kanyang mother country bago sumapit ang kanyang ika-16 na kaarawan.
Sakaling hindi mapapatunayang “Pilipino” sang-ayon sa pamantayan ng FIBA, ituturing ito bilang isang naturalized player.
Kabilang sa posibleng bumuo sa national squad sina Scottie Thompson at Greg Slaughter ng Ginebra, Alex Cabagnot at Marcio Lassiter ng Beermen, Ian Sangalang ng Magnolia at Allein Maliksi ng Blackwater.
Maaaring pumasok din sina Christian Standhardinger, Beau Belga, Raymond Almazan, Poy Erram, Paul Lee, Stanley Pringle, Gabe Norwood at Asi Taulava.