Makalipas ang halos isang dekada, natapos na rin ang paglilitis sa kaso ng Maguindanao massacre na itinuturing pinakamalagim sa election-related violence sa buong bansa.
Nitong Huwebes, hinatulang guilty sa 57 counts of murder ang mga pangunahing akusado na sila Andal Ampatuan Jr., dating ARMM governor Zaldy Ampatuan, Anwar Ampatuan Sr., Sajid Ampatuan, at iba pang sangkot sa karumal-dumal na krimeng naganap noong 2009.
Pinatawan sila ng parusang reclusion perpetua ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City RTC Branch 21 at inatasang magbayad ng danyos sa pamilya ng 58 biktima.
(1/3) READ the dispositive portion of the RTC decision in PEOPLE OF THE PHILIPPINES VS. DATU ANDAL “UNSAY” AMPATUAN, JR., ET AL. pic.twitter.com/8kL2fptvHz
— Supreme Court Public Information Office (PIO) (@SCPh_PIO) December 19, 2019
TIMELINE: MAGUINDANAO MASSACRE CASE
Nobyembre 23, 2009 – Maghahain sana ng certificate of candidacy ang misis at kapatid ni noo’y Buluan Vice Mayor Ismael “Toto” Mangudadatu sa COMELEC office sa Shariff Aguak, sa nasabing probinsiya nang pagbabariliin at walang-awang patayin ang sakay ng convoy nila. 58 katao ang pinaslang, kabilang na ang 32 mamamahayag.
Angkan ng Ampatuan ang itinuturong suspek sa nakapangingilabot na krimen. Ayon sa ilang testigo, isiniwalat ni namayapang Andal Sr. ang planong pagpatay kay Toto Mangudadatu noong Hulyo 20, 2009.
Si Ampatuan Jr., na kilala bilang Datu Unsay, rin mismo ang nag-utos na ilibing ang mga biktima gamit ang backhoe, base sa sinumpaang salaysay ng mga saksi.
Nobyembre 26, 2009 – Sumuko si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. kay noo’y Presidential Adviser for Mindanao affairs na si Jesus Dureza. Ibiniyahe si Unsay Jr. mula General Santos City patungong Maynila at dinala sa National Bureau of Investigation (NBI).
Disyembre 1, 2009 – Sinampahan ng kasong 25 counts of murder si Unsay Jr. sa Cotabato City Regional Trial Court
Disyembre 2, 2009 – Nakumpiska ng pulisya ang samu’t-saring armas sa mansyon ni Ampatuan Sr.
Disyembre 5, 2009 – Dinakip sina Ampatuan Sr. at Zaldy Ampatuan. Isinailalim din sa martial law ang buong probinsiya ng Maguindanao.
Disyembre 8, 2009 – Nailipat ang kaso sa Quezon City Regional Trial bilang pagsunod sa utos ng Korte Suprema.
Disyembre 17, 2009 – Napunta sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ang kaso matapos mag-inhibit si Judge Luisito Cortez dahil sa mga natanggap na banta sa buhay nilang pamilya.
Enero 5, 2010 – Sumumpa ng not guilty si Ampatuan Jr.
Marso 25, 2010 – Pinaaaresto ng hukuman ang 196 pang salarin. Binasura rin ang kasong rebelyon laban sa Ampatuan clan.
Hunyo 14, 2010 – Pinaslang ang prosecution witness na si Suwaib “Jessie” Upham sa Parang, Maguindanao.
Hunyo 9, 2011 – Nanumpa ng not guilty si Ampatuan Sr.
Marso 2012 – Pinatay ang isa pang witness ng prosekusyon na si Esmael Enog na siya umanong naging driver ng mga armadong suspek.
Disyembre 13, 2012 – Nag-plead ng not guilty si Zaldy Ampatuan.
Hunyo 2014 – Nag-withdraw bilang defense counsel ang The Fortun, Narvasa, and Salazar Law firm.
Setyembre 2014 – Naging parte ng legal team ng pamilya Ampatuan si Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo.
Nobyembre 18, 2014 – Pinaulanan ng bala ang isa pang testigo ng prosekusyon na si Dennis Sakal.
Enero 9, 2015 – Pinayagang magpiyansa ng mababang hukuman si Sajid Islam Ampatuan. Base sa desisyon ni Solis-Reyes, nabigo ang prosecution team sa paghahain ng ebidensiyang magdidiin pa kay Sajid.
Abril 24, 2015 – Ibinasura ni Solis-Reyes ang petisyon ni Andal Sr. na makapagpiyansa.
Hulyo 17, 2015 – Namatay si Ampatuan Sr. matapos ma-confine ng dalawang buwan ssa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.
Setyembre 15, 2015 – Hindi pinahintuluta ng korteng mag-piyansa si Zaldy Ampatuan.
Disyembre 9, 2015 – Sinibak ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang 20 pulis na dawit sa malagim na pagpatay. Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang nakipagsabwatan ang mga ito kay Ampatuan Jr.
Pebrero 2017 – Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng QC RTC Branch 221 na pahintulatang magpiyansa si Sajid Ampatuan.
Agosto 21, 2018 – Pinayagan si Zaldy Ampatuan na dumalo sa kasal ng anak. Nag-secure siya ng court order at sinabihang maaring lumabas ng kulungan mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Agosto 22, 2019 – Inutos ng Korte Suprema na isumite na ang desisyon sa nasabing kaso.
Oktubre 22, 2019 – Isinugod sa Makati Medical Center si Zaldy Ampatuan matapos ma-stroke sa loob ng piitan.
Nobyembre 7, 2019 – Pinaboran ng Korte Suprema ang kahilingan ni Judge Solis-Reyes na bigyan pa siya ng 30 araw para maisapinal ang desisyon sa Maguindanao massacre case.