Fil-Am community, makakaasa ng lubos na suporta mula sa Kamara at kay PBBM

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi matitinag ang suporta ng Mababang Kapulungan at ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa Filipino-American community.

Sa kanyang pagharap sa mga Pilipino sa Amerika kasama ni PBBM ay sinabi ni Romualdez na ito ay bilang pasasalamat sa malaking ambag ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad sa pagpapasigla ng ating ekonomiya at pagpapakita sa buong mundo ng husay, talento at kabutihan ng mga Pilipino.

Diin ni Romualdez, patuloy na makikipagtungan ang Kamara para maisakatuparan ang mga panukala, polisiya at inisyatibo ni Pangulong Marcos na layuning makalikha ng trabaho, mapabuti ang pagnenegosyo sa bansa at maiangat ang buhay ng mamamayang Pilipino.


Ayon kay Romualdez, naipasa na ng Kamara ang 23 sa 31 mga panukalang batas na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC bilang priority measures ng Marcos administration na para sa kapakanan ng mga Pilipino at pagsulong ng bansa.

Una ring inilatag ni Romualdez ang groundwork o paghahanda para sa official visit ni President Marcos sa Amerika.

Tiwala si Speaker Romualdez na magbubunga ng higit na pag-unlad sa ating ekonomiya at mga trabaho para sa mga Pilipino ang matagumpay na pagbisita ni PBBM sa US lalo na ang pulong nito kay President Joe Biden.

Facebook Comments