Filcom leader: Ilang pinoy na napaulat na nawawala, posibleng dinukot ng militanteng Hamas

Posible umanong dinukot ang ilang mga Pilipinong napaulat na nawawala base sa report at impormasyon na ipinadala ng kanilang kamag-anak.

Ito pa rin ay may kinalaman sa nagaganap na giyera sa pagitan ng puwersa ng gobyerno ng Israel laban sa militanteng grupong Hamas.

Ayon kay Filipino Community leader Marc Pleños na kasalukuyang nasa Israel sa Tel Aviv, ikinakatakot ng mga Pilipinong kamag-anak na madukot ng mga Palestinian na militanteng Hamas ang kanilang mga mahal sa buhay.


Kabilang na rito ang natatanggap na tawag at mensahe na mayroon ng nawawalang kapatid na hindi pa natutunton hanggang ngayon.

Aniya, mayroon pang tawag na kaniya ring natanggap mula sa asawa ng Pinoy na na-hostage ng Hamas at dinala sa Gaza subalit sa ngayon ay wala pa aniyang kumpirmasyon dito ang Israeli Army.

Nakilala umano ng tumawag ang kaniyang asawa sa isang video na umano’y ibinahagi ng Hamas sa social media.

Samantala, binigyang diin naman ni Pleños na ang claims na ito ay hindi pa naberipika ng Israeli authorities.

Facebook Comments