Tulad ng inaasahan, nagkaroon na ng pagbabago sa nakatakdang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Mayo ng susunod na taon.
Kabilang na rito ang pagpapaliban ng Commission on Elections (COMELEC) sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa mga kandidato sa 80 pwesto sa BARMM.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, inilipat din sa November 4 hanggang 9 ang COC filing batay sa napagkasunduan ng en banc.
Ito ang resulta sa desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara sa probinsya ng Sulu na hindi ito kabahagi ng BARMM.
Sa pamamagitan ng pagpapaliban, isasaayos muna ang lahat ng talaan, mga dokumento na may kaugnayan sa mga sakop ng BARMM Elections.
Una nang sinabi ni Garcia na maging sila ay nagulat sa desisyon ng Supreme Court dahil nagsimula na sila sa preparasyon para sa halalan.