Cauayan City, Isabela – Ipinagmalaki ng pamunuan ng Comelec Regional Office na walang naging problema sa filing period ng certificate of candidacy ng mga kakandidato para sa May 13, 2019 election.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Comelec Regional Director Ederlino Tabilas, sinabi niya na naging maayos ang pagsumite ng COC ng lahat ng mga kandidato sa buong rehiyon dos.
Nagpapasalamat umano siya sa suporta ng kapulisan na nagplano at nagsagawa ng security sa lahat ng comelec offices sa buong region 2.
Inamin pa ni Director Tabilas na nakarating sa kanya ang naganap na tensyon sa Comelec Tuguegarao City, pero hindi naman umano humantong sa sakitan o may nasaktan kung saan ay wala pa umanong pormal na reklamong nakakarating sa kanyang tanggapan.
Paliwanag pa ni Director Tabilas na bawat offices ng comelec ay may kanya-kanaya umanong house rule ngunit kinakailangan parin umano na isurender sa labas ng comelec ang mga baril at hindi dinadala sa loob kahit na wala pang gunban o kumpleto ang papel ng baril.
Samantala, kinumpirma naman niya na magkakaroon ng paglilipat sa buong rehiyon ang mga comelec officers ngunit mangyayari umano ito sa panahon ng kampanya ng mga politikong tatakbo sa eleksyon.
Ito ay dahil sa marami pa umanong mga dapat na tatapusin ang bawat comelec officers para maging malinis ang transition sa mga susunod na maitatalaga sa mga comelec offices.