Filing of Candidacy ng mga Kakandidato sa Barangay at SK Eleksyon, Sinimulan Na!

Cauayan City, Isabela- Sinimulan na ngayong araw ang unang pagpasa ng Certificate of Candidacy (COCs) para sa mga tatakbo ngayong nalalapit na Barangay at SK Eleksyon.

Ito ang kinumpirma ni ginang Epigenia Marquez, Election Officer ng Cauayan City sa RMN Cauayan News Team kung saan magtatapos ito sa April 20, ngayong taon.

Aniya, sa mga kakandidato bilang chairperson or miyembro ng Sangguniang Kabataan ay dapat walang kamag anak o relasyon sa mga kasalukuyang nakaupong opisyal sa National, Regional, Provincial, City, Municipal at Barangay o tinatawag na dapat walang Affinity at Consanguinity relationship.


Subalit aniya, pwede pa rin magpasa ng Certificate of Candidacy ang mga kakandidato na may kamag-anak na opisyal kung hindi nito masasakop ng kamag-anak na opisyal ang lugar o barangay na tatakbuhan ng kakandidato.

Samantala, kanya ring ibinahagi na Sa panahon ng pangangampanya, ilan sa mga mahigpit na ipinagbabawal ay ang pagbibigay ng donasyon gaya ng pera o anumang bagay, pagsasaayos ng tulay at kalsada na pinondohan ng barangay, pagkuha ng bagong empleyado at paglikha ng bagong posisyon o promosyon.

Mensahe pa ni ginang Marquez sa mga nais kumandidato sa lungsod ng Cauayan na magpasa na ng kanilang COCs bago ang halalan at maging ang mga botanteng nakarehistro sa lungsod na maaari ng tignan ang kanilang pangalan sa bulletin board upang malaman kung saang presinto boboto.

Facebook Comments