Hindi na itutuloy ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan sa nauna nitong planong irekomenda sa city Council na ideklarang “persona non grata” sa kanilang lungsod ang Filipino-American Rapper na si Ez Mil.
Nag-ugat ito sa hindi maganda at maling pagsasalarawan ni Ez Mil sa local hero ng bansa na si Lapu-Lapu sa kanta niyang “Panalo” kung saan sinabi nito sa kanyang kanta na pinugutan ng Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan ang nasabing bayani sa Mactan.
Sa kanyang Facebook, hihikayatin ni Mayor Chan ang City Council na gumawa ng resolusyon upang kondenahin ang lyrics ng kanta ni Ez Mil na nagbanggit kay Lapu-Lapu lalo na’t nagpapakita aniya ito ng kawalan ng respeto sa kanilang bayani.
Bukod sa pagkondena sa lyrics ng kanta, nais din niyang humingi ng public apology si Ez Mil at i-rewrite ang maling pagsasalarawan kay Lapu-Lapu sa kanta.
Una nang sinabi ni Ez Mil na sinadya niyang gawing mali ang lyrics para sa “rhyming pattern” at upang mapag-usapan kung saan aabot na ngayon sa mahigit 28 million ang views nito sa YouTube.
Nabatid na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng karangalan kay Datu Lapu-Lapu sa pamamagitan ng pag-highlight sa ika-500 anibersaryo sa pagkapanalo sa Mactan ngayong April 27, 2021.