Umaapela sa pamahalaan ang isang grupo ng Filipino Chinese Community na huwag naman masyadong higpitan ang visa requirements ng mga Chinese national na nais magtungo sa Pilipinas.
Ayon kay Teresita Ang-See, hindi na makatarungan ang ginagawang paghihigpit ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Chinese na nais pumasok ng Pilipinas.
Paliwanag ni Ang-See, marami na siyang natatanggap na reklamo mula sa Chinese community na halos ginigipit na raw sila at tila ayaw ng papasukin ng Pilipinas.
Dahil dito, nagbabala siya na posibleng maapektuhan ang tourist arrival ng Pilipinas lalo pa at malaking bilang ng mga Chinese ang nagtutungo rito.
Bukod dyan, marami na ring Chinese investors ang umaatras na magnegosyo sa bansa dahil sa paghihigpit sa kanila na makapasok ng Pilipinas.
Wala rin daw siyang nakikitang invasion o pananakop ng mga Chinese sa kabila ng nararanasang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi rin daw dapat ikabahala ang pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa Pilipinas dahil sumusunod naman ang mga ito sa requirements na ibinibigay ng pamahalaan.