Wednesday, February 18, 2026

Filipino-Chinese na suspek sa kasong pagpatay at pag-chop-chop sa lalaking isinilid sa drum sa Binondo, arestado

Arestado na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek sa kaso ng chop-chop na katawan ng isang lalaki na natagpuan sa loob ng drum sa Maynila noong February 15.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Joselito de Sesto na agad silang nakipag-ugnayan sa Highway Patrol Group–NCR matapos matukoy sa imbestigasyon na mula sa isang condominium unit sa Pasay City ang drum na pinaglagyan ng mga bahagi ng katawan.

Sa backtracking ng CCTV footage, nakita ang isang Chinese national na kasalukuyang pinaghahanap, kasama ang isang security guard na nagtutulak ng asul na drum mula sa ika-15 palapag ng gusali.

Ang naarestong suspek na kinilalang alyas “Victor,” isang Chinese interpreter, ang umano’y umupa sa puting L300 van na ginamit sa pagdadala at pagtatapon ng drum sa Maynila.

Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang sa loob ng condo unit pinatay ang biktima dahil sa mga bakas ng dugo na natagpuan doon. Nagtamo umano ang biktima ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang “Chinese-looking” na lalaki. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang naarestong suspek.

Facebook Comments