Gagawin na sa ikalawang linggo ng Setyembre ang final dry run para sa distance learning ng mga mag-aaral sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa press conference ng Department of Education (DepEd) kanina, sinabi ni DepEd Usec. Revsee Escobedo na may mga gap o pagkukulang pa na kailangang punan para maging maayos ang sistema.
Karamihan din sa mga school division ay nakapagsagawa na ng dry run at simulation at inaasahang sa ikalawang linggo ng Setyembre ay maidaraos na ito.
Kasabay nito, sinabi rin ni Escobedo na nasa advance stage na ang bansa pagdating sa printing ng mga modules pero gayunpaman, may apat sa higit dalawang-daang School Division Office sa bansa ang napag-iiwanan pa rin pagdating sa pag-print ng modules.
Ang pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng blended learning ay nakatakda sa October 5, 2020 at magtatapos sa June 16, 2021 alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.