Isusumite na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi-TWG) ang final report sa kongreso para sa pagsasalegal ng motorcycle taxis at courier services matapos ang 4-year pilot study nito.
Ayon kay Atty. Vincent Austria ng MC Taxi-Technical working group, ang motorcycles for hire ay isang viable source ng income para sa mga motorcycle rider.
Kailangan lamang umano na magkaroon ng safety standard para ito ay maging ganap na mobility alternative.
Ang mga serbisyo gaya ng Angkas ang unang pinayagang mag-operate noong Mayo ng taong 2019 sa ilalim ng anim na buwang programa upang makita kung ligtas nga ba para sa mga mananakay ang naturang serbisyo.
Kung matatandaan, pinalawig pa ang programa ng ilang beses sa loob ng apat na taon bagama’t nananatiling nakabinbin ang panukalang batas para gawin itong ligal na sa bansa.