New Mexico – Isang lalaki na tinaningan na ang buhay ang humiling na makasama at makita ang alagang aso sa huling pagkakataon.
Nitong Huwebes, Oct. 17, muling nagtagpo si John Vincent, 69, at ang 5-taong-gulang na alaga na si Patch, sa Hospice Center, Raymond G. Murphy VA Medical Center sa Albuquerque.
Sa facebook post ng Albuquerque Animal Welfare (AAW) shelter ibinahagi nito ang ilang larawan ng dalawa matapos ang masayang pagkikita na tila nag-uusap pa.
“Yeah, that’s me, that’s daddy,” ani Vincent.
“Are you so happy to see me? I’m so happy to see you,” dagdag pa nito.
Batay sa ulat, ipinaampon ni Vincent ang alagang aso sa AAW shelter nang siya ay dalhin sa hospice center sa Mexico noong nakaraang Linggo.
Wala na raw kasing pamilyang pwedeng pag-iwanan si Vincent ayon sa mga opisyal ng naturang shelter.
Sabi ni Amy Neal, social worker ng hospice center, nais lang raw makita ni Vincent sa huling pagkakataon ang alaga bago siya mawala.
“When the request came in, it was an immediate ‘absolutely,’ and let’s do whatever we can to get it done,” saad ni Animal Welfare director Danny Nevarez.
Sabi raw ni Vincent, “It was as simple as getting Patch over here.”
Matapos ang masayang oras na magkasama, binalik na si Patch sa Westwide Animal shelter para maidala na sa bagong tahanan ang aso dahil mayroon na umanong gustong umampon dito.
“It was an honor to make this veteran’s final wish come true,” saad ng AAW.
Batay sa ulat, si Vincent ay tatlong taong naglingkod sa Marines sa Vietnam at ang alagang si Patch ay nakuha niya umano sa isang kapitbahay.
Si Patch ang kaisa-isang pamilyang nakasama ni Vincent sa loob ng anim na taon.