Inihayag ng Bureau of Correction (BuCor) na walang nakitang external injuries sa unang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng PDL sa New Bilibid Prison (NBP) na si Jun Villamor matapos itong bawian ng buhay sa ospital ng NBP.
Sa official statement ng BuCor, nawalan ng malay si Villamor noong October 18 ng ala-una ng hapon at naisugod pa siya sa ospital ng NBP kung saan isinagawa ang cardio pulmonary resuscitation subalit bandang alas 2:00 ng hapon ay tuluyan na itong binawian ng buhay.
Sa ngayon ay nasa Eastern Funeral Service sa Alabang ang bangkay ng nasabing PDL, kung saan isinagawa ang autopsy ng NBI Medico-Legal team.
Lumalabas sa inisyal report ng BuCor Health Service na walang palatandaan na nangyaring foul play kung saan itinuturing na natural cause of death ang pagkamatay ni Villamor.
Gayunpaman, hinihintay pa rin ang opisyal at final result ng autopsy na may kasamang toxicology test na isasagawa pa ngayong araw upang makumpleto ang autopsy.
Ang final result ng ospital ay ilalabas ng NBI Medico-Legal team pagkatapos dumating ang lahat ng resulta sa autopsy.