Inaasahang mamayang hapon sa plenaryo ay mararatipikahan na ng Kamara at Senado ang pinal na bersyon ng P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
Ito’y kasunod na rin ng pag-apruba kaninang umaga ng House at Senate contingent sa Bicameral Conference Committee ng reconciled version ng General Appropriations Bill (GAB).
Pinangunahan nina House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap at Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang approval sa final version ng GAB.
Napagkasunduan ng dalawang kapulungan na P70 billion ang ilaan na pondo para sa procurement ng COVID-19 vaccines.
Ang alokasyong ito sa bakuna kontra COVID-19 ay bahagyang mababa sa P83 billion na bersyon ng Senado habang mas mataas naman kumpara sa P8 billion appropriation ng Kamara.
Aabot naman sa P23 billion ang realigned na pondo para sa mga biktima ng Bagyong Ulysses at Rolly.
Nananatili namang intact o buo ang P19 billion na pondo ng kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Dagdag naman ni Appropriations Vice Chairman Joey Salceda, nasa Presidente na ngayon ang pagpapasya para sa agarang pag-apruba at paglagda ng 2021 GAB.
Kampante si Salceda na sa mabilis na aksyon ng Kamara at Senado ay walang banta ng pagkabinbin sa implementasyon ng budget sa susunod na taon na isang magandang senyales para sa muling pagbuhay ng ekonomiya sa 2021.