FINALIZE | Pagbuo ng military division na permanenteng ilalagay sa Sulu isinasapinal na ng AFP

Pina-finalize na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga detalye sa paglalagay ng permanenteng military division sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, may mga detalye pa silang inilalatag bago maisapinal ang pagbuo ng bagong division sa lalawigan ng Sulu.

Kapag naisapinal na aniya ito ay papaaprubahan ito kay AFP Chief of Staff Carlito Galvez Jr. bago isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa final approval.


Sa ngayon ay walang permanente tropa ng militar sa Sulu na marami ang presensya ng teroristang Abu Sayyaf Group o ASG.

Nanggaling pa aniya sa ibang military division ang mga sundalong idine-deploy sa Sulu at kapag tapos na ang operasyon ay agad ring umaalis at bumabalik sa kanilang kampo.

Napakahalaga aniyang magkaroon ng permanenteng military division sa Sulu upang mas mabilis at madali sa AFP na labanan ang ASG sa lalawigan.

Ang isang military division ay binubuo ng 10,000 hanggang 18,000 mga sundalo.

Facebook Comments