Doble kayod ngayon ang finance manager ng gobyerno sa paghahanap ng pondo para sa panukalang Bayanihan 3 na higit na magpapalawig sa pagtugon sa pandemya at pagtulong sa apektadong Pilipino.
Pahayag ito ni Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go matapos niyang makausap sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Budget Secretary Wendel Avisado at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Diin ni Go, binabalanse rin muna ng lahat ng finance managers kaya hindi pa nila maipangako na makapagrekomenda sila sa Pangulo na magpatawag ng special session para ipasa ang panukalang Bayanihan 3.
“Sa ngayon po ay binabalanse pa muna nila lahat. Ayaw nila mangako na makapagrekomenda sila sa Pangulo na magpatawag ng special session dahil, unang una, dapat munang ma-identify kung may pondo tayong pagkukuhaan bago tayo,” ani Go.
“Binabalanse po ng finance managers kung may pondo ba dahil hindi natin alam until when ba itong surge na ito. ‘Yong pagtaas po ng kaso (ng COVID-19),” dagdag ng senador.
Sabi ni Go, kabilang sa ikinokonsidera at pinag-aaralan kaugnay nito ay ang inaasahang budget deficit ngayong 2021 na 8.9 percent ng ating gross domestic product kumpara sa 7.5% noong nakaraang taon.
“Ako naman po, kung makakatulong, lalung-lalo na po sa mahihirap nating kababayan ay unahin natin po sila. Kahit mamaya na po ang ibang programs ng gobyerno. Importante po ngayon, tiyan po, sikmura po ng bawat Pilipino ang importante,” ayon kay Go.
Tiniyak naman ni Go ang kanyang suporta sa Bayanihan 3 basta’t makakatulong lalo na ngayon patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa buong bansa at muling nalagay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila at karatig na mga lalawigan.