Nabiktima ng mga hacker ang isang finance officer ng Naic Police Station na may account sa Landbank of the Philippines.
Nasa ₱100,000 ang natangay mula sa dalawang Landbank account ni Police Staff Master Sergeant Haidee Sabas.
Sa report ni Sabas, nakatanggap siya ng message sa kaniyang e-mail account alas-2:30 at 2:31 ng hapon noong araw ng Sabado, April 2.
Nagkaroon ng dalawang fund transfer mula sa bank Account ng Naic-Philippine National Police na hawak niya kung saan naka-deposit ang kanilang Maintenance Operating and Other Expenses (MOOE).
Ang halagang ₱47,700 ay unang nat-ransfer sa isang Landbank account at ang pangalawang transaction na ₱50,000 ay nailipat sa isang Union Bank Account.
Agad syang tumungo sa Landbank ATM sa Brgy. Ibayo Silangan, Naic, Cavite para mag-balance inquiry at dito siya nagulat dahil 57 pesos na lang ang laman ng kanilang MOOE ATM account.
Ang masaklap pati ang kaniyang payroll account ay natangayan din ng ₱2,400.
Nagtataka ang mga miyembro ng Naic Police Station dahil alam nila na kapag withdrawal sa MOOE ay kailangan ng withdrawal slip para may maisusumiteng record ngunit sa mga hacker ay pinayagan ang online transaction.
Agad niya itong ipinagbigay-alam sa kanilang Chief of Police na si PLtCol. Resty Soriano kaya’t kahapon ay pormal silang naghain ng reklamo sa Office of the Branch Manager ng Landbank of the Philippines sa Rosario, Cavite para maimbestigahan.
Nag-utos na rin Police Region Office ng CALABARZON na imbestigahan ito dahil sa duda na kapag may nawawalang pondo ang isang opisina ng police station ay naitaya sa e-sabong.