Iminungkahi ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez kay Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng digitalization para sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.
Ayon kay Dominguez, mas mainam na idaan sa ganitong sistema ang lahat ng subsidy program ng gobyerno para hindi na dumaan sa kamay ng mga opisyal ang mga pondo at makasigurong walang mababawas o makukupit.
Tiniyak naman ni Dominguez sa Pangulo na tutulong ang pribadong sektor para maituro sa gobyerno ang sistema ng digitalization na maaaring gamitin sa mga susunod na pagbibigay ng tulong sa tao.
Dagdag pa ng Kalihim, dapat magkaroon ng direct distribution ng ayuda sa pamamagitan ng bangko o e-wallet accounts.
Aniya, naging matagumpay ang wage subsidy program dahil sa mahigpit na pagbabantay sa programa.
Kinikilala ni Pangulong Duterte ang benepisyo ng digital process, kung saan maaari nang direktang matanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng electronic payouts.