Manila, Philippines – Maari nang makatanggap ng financial assistance ang mga manggagawa sa informal economy kapag nag-avail sila ‘kabuhayan program’ ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglungsod, aabot sa 20,000 hanggang isang milyong piso ang pwedeng makuhang tulong ng mga manggagawa na nasa ‘vulnerable sector’.
Bahagi aniya ito ng unemployment and anti-poverty programs ng Administrasyong Duterte.
Sabi ni Maglungsod, sa ilalim ng programa, nakapaloob ang livelihood assistance na mayroong dalawang kategorya: ito ay ‘group’; o ‘individual’ projects.
Sa individual projects, ang mga manggagawa ay maaring makakuha ng starter kit o Negosyo sa Kariton (NEGO-KART) na aabot sa 20,000 pesos.
Para sa group projects, ang orgranisasyon na may 15 hanggang 25 miyembro ay maaring makakuha ng 250,000 pesos na financial assistance.
Kapag nasa 26 hanggang 50 miyembro ang grupo ay maaring makakuha ng 500,000 pesos.
Kung higit sa 50 ang miyembro ay bibigyan ng maximum assistance na isang milyong piso.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa ay mga: self-employed na may hindi sapat ang kita; magsasaka; mangingisda; unpaid family members; kababaihan at kabataan; low minimum wage earners at seasonal workers; displaced workers; retrenched at terminate workers; may kapansanan; senior citizens; indigenous people; parents o guardians ng child laborers; rebel returnees; at biktima ng armed conflict.