Hindi umano magiging maganda ang epekto sa buong banking system ng bansa kung ang bulto ng pondo ng Maharlika Investment Fund (MIF) Bill ay manggagaling sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at sa mga government financial institutions (GFIs).
Sa pagdinig ng Senado, pinaliwanag ni Foundation for Economic Freedom (FEF) President Calixto Chikiamco na dahil magkakaroon ng access ang MIF sa mga guaranteed loans sa mga GFIs at funding sa BSP ay malaki ang tsansang bumagsak at maging banta sa ekonomiya at sa banking system ang Maharlika fund.
Sinabi pa ni Chikiamco na maaaring magkasunog sa buong financial system dahil exposed ang mga GFIs na Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Aniya, sa oras na bumaba ang value ng MIF, maaaring ma-erode o unti-unting masira ang capital ng LBP at DBP na makakaapekto sa buong banking system.
Dahil ‘problematic’ ang pagkukunan ng pondo ng MIF ay maaaring tumaas ang systemic risk sa banking system at posibleng magresulta ito sa ‘financial contagion’ at ‘financial panic’.
Nababahala rin ang FEF na mawawala ang level ng ‘playing field’ dahil sa gagawing tax-free ang MIF na maaaring makadismaya sa mga potensyal na investors sa bansa.
Pero, paliwanag naman dito ni Committee on Banks Chairman Senator Mark Villar, diretso sa mga socio-civic projects ang pera mula sa MIF kaya tax-free na ito.
Pero kung ang FEF ang tatanungin, mas gusto nila na may buwis tulad sa ibang kumpanya para may maka-kumpitensya sila.
Mas magiging katanggap-tanggap pa ayon kay Chikiamco kung ang inisyal na pondo ng Maharlika fund ay magmumula sa gobyerno at magkakaroon na lang ng ‘co-investment’ mula sa mga multilateral at foreign investors.