Tiniyak ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen Station na nakikita ng publiko ang mga fire extinguishing devices, gaya ng mga timba ng tubig, sa mga pwesto ng mga nagbebenta ng paputok sa bayan.
Ayon kay SFO3 Philip Abrazaldo, Operations Deputy ng BFP Lingayen, hinimok ang mga tindera na gawing malinaw at madaling makita ang mga safety measures sa kanilang lugar upang ipakita ang kahandaan laban sa posibleng mga insidente ng sunog.
Dagdag pa ni Abrazaldo, nasa 30 tindera ng paputok ang nabigyan ng permit ngayong taon sa bayan. Binalaan din ang mga ito na maaaring bawiin ang kanilang permit kung lalabag sila sa mga itinakdang regulasyon.
Nagsimula nang magbenta ng paputok ang ilang tindera noong Disyembre 24. Ang mga ito ay nakapwesto sa Solis Street, Brgy. Poblacion, malapit sa BFP office at Lingayen District Hospital, upang masiguro ang mabilisang aksyon sakaling magkaroon ng insidente.
Samantala, nasa ₱52,000 ang pinakamahal na 200 shots fireworks na mabibili sa bayan, habang ang pinakamura ay mini fountain na nagkakahalaga ng ₱50. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨