Manila, Philippines – Pinayuhan ng Philippine Red Cross ang publiko na maging mapagbantay sa buong Fire Prevention Month.
Nagpaalala si PRC Chairman Richard Gordon para sa mga pangunahing tip sa fire safety o kaligtasan sa sunog.
Una dapat tiyakin na alam ng bawat miyembro ng pamilya kung saan ang fire scape o lagusan palabas ng bahay o struktura kapag may sunog.
Pangalawa, kailangan magkaroon ng isang meeting place sa isang ligtas na lugar mula sa bahay.
Turuan ang mga kasama sa bahay kung papano gamitin ang isang fire extinguisher.
Kung sakaling may usok, o apoy na sa mga Exit Route, manatili sa kuwarto at isara ang pinto.
At lumapit sa bintana at magwagayway ng makulay na bagay tulad ng damit, tela, o di kaya ay flashlight at iba pang matitingkad na bagay para makatawag pansin sa ibang tao.
Kapag nakalabas na, manatili na lamang sa isang lugar at huwag ng tangkaing bumalik sa nasusunog na bahay.
Kung hindi pa natawagan ang bumbero, gawin na lang ito kapag nailigtas na ang sarili.
Tiniyak ng Red Cross na suportado nito ang mga programa ng Bureau of Fire Protection lalo na ngayong Fire Prevention Month.
Ang PRC ay may 103 chapters sa buong bansa na may 2 milyong volunteers na handang magbigay ng Round-the- clock Humanitarian Assistance sa publiko.