Upang masiguro ang kaligtasan ng bawat tahanan at komunidad ngayong holiday season, mas pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan ang kanilang mga programa laban sa sunog. Bukod sa kanilang kampanyang Oplan Iwas Paputok, aktibo ring isinusulong ng ahensya ang community-centered initiatives tulad ng Oplan Paalala at Oplan Ligtas na Pamayanan.
Sa Oplan Paalala, personal na bumibisita ang mga kawani ng BFP sa mga kabahayan upang magbigay ng mahahalagang paalala ukol sa fire safety, tulad ng tamang paggamit ng electrical appliances at pag-iwas sa overloading ng mga saksakan na karaniwang ginagamit sa mga Christmas lights at dekorasyon.
Samantala, sa ilalim ng Oplan Ligtas na Pamayanan, patuloy na nagsasagawa ng mga fire safety training ang BFP sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Layunin nitong turuan ang mga residente ng tamang mga hakbang upang maiwasan ang sunog at kung paano maging first responders sakaling magkaroon ng emergency. Paalala ng BFP Dagupan, iwasan ang paggamit ng mga paputok at tiyaking maayos ang pagkakabit ng mga Christmas decorations.
Patuloy namang nananawagan ang BFP sa suporta ng bawat Dagupeno upang makamit ang layunin na walang naitalang sunog ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨