Fireman at Contact Tracer sa Cagayan, Timbog sa Pagtutulak ng Droga

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga otoridad ang isang Fireman at contact tracer dahil sa pagtutulak ng mga ito ng iligal na droga sa Centro, Peñablanca, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina FO1 Bryan Marallag, 33 taong gulang, may asawa, miyembro ng BFP Iguig at Marco Taguinod, 28 taong gulang, walang asawa, contact tracer ng DILG Cagayan na kapwa residente ng Centro, Peñablanca.

Una rito, nagsagawa ng drug buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU), PDEU at PNP Peñablanca laban sa dalawang suspek partikular sa bahagi ng pambansang lansangan ng nasabing lugar na kung saan positibong nabentahan ni FO1 Marallag ng isang (1) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu ang isang pulis na nagpanggap na bumibili.


Nagresulta ito sa kanyang pagkakaaresto at nakuha pa mula sa kanyang pag-iingat ang pitong (7) piraso ng transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang (1) unit ng cellphone, isang (1) piraso ng nakarolyong aluminum foil, isang (1) lighter at isang (1) gunting.

Ang dalawang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive Dangerous Drugs Act na isasampa laban sa dalawang tulak.

Facebook Comments