Nagbahagi ng first aid tips ang Department of Health-Ilocos Center for Development para sa mga posibleng mabiktima ng paputok ngayong holiday season.
Kasunod ng pagsalubong sa bagong taon, kung kailan mas naglipana ang gumagamit ng paputok, paalala ng tanggapan ang kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas sa mga aksidente sa paputok.
Ayon sa tanggapan, kapag nasugat o nagkapaso dahil sa paputok, mahalagang huwag balewalain ito kahit maliit lamang. Bilang paunang lunas, hugasan at sabunin ang sugat, takpan ng malinis na bandage at pumunta agad sa health center ang pasyente.
Kapag naputukan naman sa mata, padaluyan sa malinis na tubig at huwag kamutin ang apektadong mata. Dalhin agad sa pagamutan ang biktima upang maturukan ng pangontra sa tetanus kung kinakailangan.
Para naman sa mga nakalanghap ng paputok, ilayo mula sa usok ng paputok ang biktima upang makaiwas makalanghap. Samantala, pakainin naman ng 6-8 piraso ng egg whites kapag bata at 8-12 piraso kapag matanda ang biktima na nakalunok ng paputok.
Para sa anumang emergency, paalala ng tanggapan, na agad isugod sa ospital at iba pang health facilities ang mga biktima para hindi malagay sa alanganin dahil sa paputok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










