Ipinagpatuloy kahapon, Pebrero 5, ang ikalawang araw ng Training Packages for Health Emergencies para sa mga kawani ng Public Order and Safety Office (POSO), na layong palakasin ang kanilang kakayahan sa maagap at tamang pagtugon sa mga emergency situation sa lungsod.
Sa ikalawang araw ng pagsasanay, mas pinagtibay ang kaalaman at praktikal na kasanayan ng mga POSO personnel sa pagbibigay ng paunang lunas, kabilang ang tamang pagresponde sa mga karaniwang aksidente at biglaang karamdaman. Binibigyang-diin ng aktibidad ang kahalagahan ng mabilis at wastong aksyon upang maiwasan ang paglala ng kondisyon ng mga biktima bago pa man dumating ang mga medical responders.
Isinagawa ang training sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa emergency response at life-saving techniques.
Nakatakdang magtapos ang naturang pagsasanay ngayong araw, Pebrero 6, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na tiyakin ang kahandaan ng mga POSO personnel sa anumang sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon at tulong.










