Magbibigay ng tulong ang gobyerno ng Kuwait para sa tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi at dalawa na nasa kritikal na kondisyon sa naganap na sunog sa isang residential building sa Kuwait.
Ayon kay KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo, nangako sa kanilang pulong si First Deputy Prime Minister of Kuwait at kasalukuyang Minister of Defense and Interior Fahad Yousuf Saud Al-Sabah na magbibigay ang Kuwaiti government ng tig-US$15,000 sa bawat pamilya ng OFWs na naapektuhan ng sunog.
Sabi pa ni Salo, idaraan ang nasabing tulong sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait bukod pa sa tulong para sa agarang repatriation ng mga labi ng nasawing OFW.
Nagpasalamat naman si Salo sa pamahalaan ng Kuwait sa malasakit sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa nabanggit na bansa.
Kasabay nito ay nagpaabot ng pakikidalamhati si Salo sa pamilya ng mga biktimang OFW.
Pinasalamatan din ni Salo ang mabilis na pagkilos at pagtulong sa mga OFW na naapektuhan ng sunog ng mga opisyal ng Philippine Embassy sa Kuwait partikular si Ambassador Jose ‘Pepe’ Cabrera, at Department of Migrant Workers Labor Attache Atty. Manuel Dimaano.