Naibigay na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang monthly allowance sa unang quarter ng taon ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Mismong si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang nag-abot ng nasabing allowance mula ito sa buwan ng Enero, Pebrero at Marso ng taon.
Ayon kay Mayor Isko, nasa ₱36,445,000 na halaga ng allowance ang itinurn-over ng pamahalaang lungsod sa pamunuan ng MPD upang ipamahagi sa kanilang mga police personnel.
Sinabi naman ni MPD-Director Brigadier General Rolando Miranda, nasa 4,847 pulis na nakatalaga sa Maynila ang tatanggap ng ₱2,500 kada buwan kaya’t tinatayang aabot sa ₱7,500 ang allowance na kanilang makukuha sa first quarter ng taon.
Samantala, pinatututukan naman ni Mayor Isko sa lahat ng mga kapulisan na nakatalaga sa bawat istasyon ang pagbabantay ng mga mag-iinuman sa kalye o sa labas ng kanilang tahanan.
Ito’y matapos na i-lift ang liquor ban at payagan ng magbenta ng alak kung saan sa loob lamang ng bahay dapat uminom at mayroon takdang oras.
Iginiit ng alkalde na madalas na nakakatanggap ng ulat na may mga kaguluhang nagaganap tuwing may mga nag-iinuman sa kalye na nagreresulta sa away kapag mga lasing na gayundin ng paglabag sa ‘stay at home’ orders at pinaiiral na curfew sa lungsod.