Isinara na ng Senado kagabi ang first regular session ng 19th Congress.
Sa speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa sine die adjournment, ibinida nito ang pagaksyon ng Mataas na Kapulungan sa pangangailangan ng mga mamamayan at sa patuloy na pagharap sa mga hamon.
Ipinagmalaki ni Zubiri ang pagkakaapruba sa tatlong national bills na kabilang sa priority measures ng administrasyong Marcos Jr., ang SIM Registration Act, ang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections sa Oktubre, at AFP Fixed Term Law.
Apat na priority bills naman na pinagtibay ng Senado ang naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo.
Kabilang dito ang bagong kapapasa lang na Maharlika Investment Fund, Regional Specialty Centers, pagpapalawig ng estate tax amnesty, at Condonation para sa Unpaid Amortization at Loans ng mga agrarian reform beneficiaries.
Sa buong 1st regular session ay anim na panukala ang naging ganap na batas, 22 panukala ang naghihintay naman ng pirma ng Presidente, dalawang national bills ang isasalang sa bicameral conference committee, at anim na national bills pa ang naaprubahan naman na sa huling pagbasa.