Mula sa pagiging songwriter, ibibida ngayon ng Idol nating Radyoman na si Robster Evangelista ang kauna-unahan nitong single na pinamagatang “Sino Ba Sa Atin”.
Si Radyoman Robster ay DJ at Station Manager ng 93.9 iFM Manila, ang flagship FM station ng RMN sa Metro Manila
Sa Zoom interview ng RMN DZXL 558, ibinahagi ni Robster kung paanong nagsimula sa gitara at song hits ang kanyang singing career.
Kwento niya, likas sa kanilang pamilya ang pagkanta at 17 years old lamang siya nang simulan niyang sumulat ng mga awitin.
Bata pa lang ay pangarap na niyang maging recording artist at magkaroon ng kontribusyon sa music industry.
At isa sa mga nanghikayat sa kanyang sumulat ng kanta ay ang kapwa songwriter na si Gary Granada.
Kabilang sa mga kantang naisulat ni Robster ay ang “Amats” at “Gitara” na kinanta ng Parokya Ni Edgar, “Mr. Papabol” ni Vhong Navarro habang nakapagsulat din siya ng kanta para kay Bayani Agbayani, Koreen Medina at ilan pang sikat na singers sa bansa.
Samantala, ang single niya na “Sino Ba Sa Atin” ay tungkol sa kung paanong nauwi sa panlalamig ang relasyon ng dalawang tao at nauwi sa puntong nagpapakiramdaman na lang sila sa kung sino sa kanila ang mauunang bumitaw.