Manila, Philippines – Patay ang isang first year law student, matapos umanong maging biktima ng hazing ng isang fraternity sa University of Santo Tomas.
Kinilala ang biktima na si Horacio Tomas Castillo III, 22-anyos, first year student na kumukuha ng Law sa UST.
Kwento ng mga magulang ng biktima, nagpaalam sa kanila ang anak noong Sabado ng umaga na pupunta sa Welcome Party ng Aegis Juris Fraternity dahil tapos na umano ang kanilang initiation rites.
Nangako rin umano ang biktima na uuwi linggo ng umaga para makasama sa kanilang pagsisimba.
Ngunit lumipas na umano ang magdamag at ilang pang oras pang nagdaan bago sila nakatanggap ng isang text message na nasa Chinese General Hospital ang kanilang anak.
Agad umano silang nagtungo sa ospital, pero sinabi ng isang nurse na kinuha na ng SOCO ang bangkay at dinala sa Archangel Funeral Homes sa Sampaloc.
Ayon sa pamilya, kwento sa kanila ng nurse na isang Chinese National ang nagmagandang-loob na dalhin sa ospital ang biktima, matapos itong makita sa bangketa sa bahagi ng Balut, Tondo.
Positibong kinilala ng mga magulang ang bangkay na tadtad ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Horacio Castillo Jr., ama ng biktima, tiniyak sa kanya ng kanyang anak na walang hazing sa Aegis Juris Fraternity, at tapos na rin siya sa initiation rites.
Sinusubukan rin umano nilang kontakin ang mga numero na nakalagay sa pamphlet ng frat, pero walang sumasagot.
Nanawagan naman ang pamilya Castillo sa pamunuan ng Aegis Juris Fraternity, at ng UST Faculty of Civil Law upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang panganay na anak.