LINGAYEN PANGASINAN – Pumalo na sa 42 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan makaraang mag-positibo ang isang fish dealer na taga Barangay Cabalitian sa bayan ng Sual. Ang pagkakakilanlan ng pasyente ayon kay PHO Chief Dr. Anna De Guzman, ay isang 28 taong gulang na lalaki na bumiyahe mula Malabon, Metro Manila at dumating noong ika-11 ng Mayo. Agad isinailalim ito bilang Person Under Investigation o Suspect na kalaunay napabilang sa mga isinailalim sa targeted mass testing noong ika-19 ng Mayo. Kahapon, May 24 lumabas ang resulta nito at kinumpirmang siya ay positibo sa COVID-19.
Agad ipinag-utos ng alkadle ng Sual ang pag-sasailalim sa total lockdown ng Brgy. Cabalitian at ang agarang pag-sagawa ng contact tracing at mass swab testing. Nasa quarantine facility na ang nasabing pasyente na dumadaan sa istriktong monitoring ng mga health-workers. Samantala, sinigurado naman ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng relief good sa barangay Cabalitian habang nasa ilalim ito ng total lockdown.
Isa ang Sual sa mayroong targeted mass testing program sa lalawigan katuwang ang Chinese General Hospital at Medical Center. Binigyang diin ni Sual Mayor Dong Calugay ang kahalagahan nito dahil mas bumibilis ang pag-tukoy at pag- isolate sa mga maaaring positibo sa COVID-19.