Inalis na ang fishing ban na ipinatupad sa Calapan, Oriental Mindoro kasunod ng malawakang oil spill dulot ng paglubog ng MT Princess Empress.
Sabi ni Calapan City Administrator Atty. Raymund Ussam, pinapayagan na ang pangingisda matapos iulat ng mga eksperto na wala ng indikasyon na apektado ng oil spill ang mga isda sa nasabing lugar.
Gayunpaman, mahigpit na ipinagbabawal pa rin ang pagligo sa dagat sa Barangay Navotas; Maidlang; at Silonay.
Dagdag pa ni Atty. Ussam, patuloy silang nagbibigay ng emergency assistance para sa mga apektadong mangingisda at residente sa Calapan City.
Batay sa huling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), aabot sa 20,540 pamilya sa 10 bayan ang naapektuhan ng oil spill.
Samantala, apektado na rin ng oil spill ang mga seabirds sa Oriental Mindoro.
May mga namataan na kasing ilang patay na ibon na nababalot ng langis sa ilang coastal communities sa lugar.
Matatandaang, lumubog ang MT Princess Empress noong February 28 na may dala ng 900,000 litro ng industrial fuel oil dahil sa malalakas na alon.