Isinusulong ni Senator Lito Lapid ang pagbibigay sa mga senior citizens ng diskwento sa binabayarang tubig at kuryente.
Sa Senate Bill 2169 na tatawaging “Expanded Senior Citizens Act of 2022”, layunin na matulungan ang mga matatanda na mabawasan ang bigat sa kanilang mga gastusin at ang matitipid sa ibabayad sa kuryente at tubig ay maaaring idagdag naman pambili ng pagkain at maintenance o gamot.
Sa ilalim ng panukala, inaaamyendahan dito ang Republic Act 9994 kung saan isisingit sa probisyon ng batas na magpatupad ng 5 porsyentong diskwento sa unang 150 kilowatt hours sa kunsumo san kuryente at sa unang 50 cubic meters sa kunsumo ng tubig.
Bukod dito, pinalilibre rin sa pagbabayad ng Value Added Tax (VAT) sa mga naturang bayarin ang mga senior citizens.
Para maka-avail ng nasabing benepisyo, kailangang ang metro sa kuryente at sa tubig ay nakapangalan sa senior citizen.
Ayon kay Lapid, maraming senior citizens ang mahihirap at kapos na ring magbadyet ng kanilang pensyon kaya nararapat lamang na mabigyan ang mga ito ng kaunting kaginhawaan sa pamamagitan ng 5 percent discount sa kunsumo sa tubig at kuryente.