“Five-point plan” para tugunan ang posibleng epekto sa bansa ng Ukraine-Russia crisis, inilatag ng isang kongresista

Naglatag si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ng “five-point plan” para tugunan ang nagbabadyang banta sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng Ukraine-Russia conflict.

Babala ni Salceda, posibleng tumaas sa US$130 sa kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado kapag nagtuloy-tuloy pa ang tensyon sa Ukraine at Russia.

Una sa inirekomendang “five-point plan” ay ang pagpapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng special session para mapagtibay na ang panukala na nagpapabawas o nagpapasuspindi sa excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law.


Magreresulta aniya ito sa P2.06 na bawas sa presyo sa gasolina, P2.34 na bawas presyo sa diesel at P2.89 na tapyas sa kerosene.

Ikalawa ay pinabubukas na sa “full-capacity” ang public transportation na makakatulong para maibaba ang transport costs lalo na sa commuters na napipilitang gumamit ng private cars bunsod ng COVID-19 restrcitions at kakulangan sa pampublikong sasakyan.

Ikatlo ay hiniling sa pangulo na mag-isyu ng Executive Order na nag-aatas sa Department of Energy (DOE), Department of Trade and Industry (DTI) , at sa Philippine Competition Commission (PCC) na mahigpit na bantayan ang mga energy companies upang maiwasan ang mga hindi patas na kompetisyon at hoarding sa nasabing sektor.

Pang-apat naman sa mungkahing plano ay ang paggamit sa P4.5 billion contingency fund at P3 billion na Socio-Civic Fund ng presidente na ni-remit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong 2021 na maaaring ipangsubsidiya bukod pa sa P1 billion na pangakong fuel voucher subsidy.

Panghuli, sakaling hindi na makontrol ang oil prices ay ipinapanukala ni Salceda sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na payagan ang pagdedeklara ng “state of calamity” ng local governments na may mga komunidad na nakadepende sa langis tulad ng fishing communities.

Facebook Comments