Fixed na sahod sa mga barangay officials, hiniling ng Kamara

Isinusulong nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap na mabigyan ng “fixed” na sahod at benepisyo ang mga barangay officials.

Para kay Duterte, panahon na para maibigay ang nararapat sa mga barangay officials at kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa paghahatid ng mga proyekto ng pamahalaan sa mga komunidad.

Sa House Bill 502 na inihain ng kongresista, ipinadedeklarang regular na empleyado ang mga barangay officials kung saan bibigyan na rin ng fixed salary ang mga ito.


Bukod dito, masasakop na rin ng mga benepisyo ng Government Service Insurance System, PhilHealth, at Pag-Ibig Fund ang mga barangay officials.

Sinabi pa ng mambabatas na ang mga barangay ay nagsisilbing unang puntahan ng mga tao sa paghingi ng tulong at nagsisilbi ring pangunahing tagaplano at tagapagpatupad ng mga proyekto, programa at polisiya ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nakakatanggap lamang ang mga barangay chairman, members, at council ng honorarium sa kabila ng malawak na papel at responsibilidad na kanilang ginagampanan.

Facebook Comments