
Ipatutupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fixed pick-up rate para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) ngayong holiday season.
Ayon sa LTFRB, ipatutupad ito simula Disyembre 20 at magtatagal hanggang Enero 4 sa susunod na taon.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2025-058 pinayagan na ang mga TNVS na maningil sa mga pasahero mula sa pagtanggap ng booking hanggang sa oras makarating pick-up location.
Dati ay saka lang maniningil ng bayad ang TNVS kapag nakasakay na ang pasahero o wala pang charge ang isang commuter mula nang tinanggap ang kanyang booking hanggang sa ito ay makasakay.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza, ang fix pick-up fare ay limitado lamang sa five kilometers na radius at nakatakda sa bawat kilometro.
Para sa hatchback o sub-compact na sasakyan, magsisimula ang rate ng fix fare sa halagang P24 hanggang P125, depende sa layo.
Para naman sa mga Sedan, mayroon itong range na P26 hanggang P130; para sa SUV o AUV may fare rate na P29 hanggang P145 habang ang mga premium ay magsisimula sa P58 hanggang P289.
Mahigpit naman ang direktiba ng LTFRB sa mga transport network company na bawal silang kumuha ng komisyon sa pick-up fare para mas kumita ang mga TNVS driver ngayong holiday season.
Aniya, naiintindihan nila ang hinaing ng mga driver kaya gumawa sila ng win-win solution para sa mga driver at commuter ngayong Kapaskuhan.









