Manila, Philippines – Isinusulong ni Kabayan Rep. Ron Salo sa Kamara ang pagkakaloob ng fixed salary at benefits sa mga Barangay Chairmen, mga Kagawad, Barangay Secretaries at Barangay Treasurers.
Sa House Bill 6033 na inihain ni Salo, itataas sa Salary Grade 15 ang sweldo ng mga Barangay Captain at Salary Grade 12 naman sa mga Kagawad.
Tinukoy sa panukala na tumatanggap lamang ng honorarium ang mga Kapitan ng Barangay ng P1,000 habang ang mga Kagawad, Barangay Secretaries at Treasurers ay nasa P600 lamang ang natatanggap na honoraria.
Maliban dito ang sahod ng mga barangay Captain na SG 14 at SG 10 sa mga kagawad at iba pang opisyal ng barangay ay hindi rin nasusunod dahil ito ay depende sa availability ng pondo ng mga LGUs.
Sa oras na maging ganap na batas, ang mga Barangay Captain ay tatanggap na ng SG15 o P30,531 na sahod kada buwan, ang mga Kagawad ay SG 12 o P22,938 ang sweldo kada buwan habang ang mga barangay Secretaries at Treasurers ay tatanggap ng SG10 o P19,223 sahod kada buwan.
Entitled din ang mga ito sa salary increase, at iba pang benepisyo tulad ng GSIS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Aabot sa 420,000 na mga barangay officials ang mabebenepisyuhan ng panukalang ito.