Fixed salary sa mga tsuper at konduktor ng bus, iminungkahi ng Senado

Ipinasasabatas ni Senator Jinggoy Estrada ang panukala na nagsusulong ng ‘fixed’ na sahod para sa mga tsuper at konduktor ng bus.

Sa Senate Bill No. 48 o ang “Bus Drivers and Conductors Compensation Act”, layunin dito na magkaroon ng batas na magbibigay proteksyon sa mga drivers at conductors ng bus sa pamamagitan ng pag-regulate sa sweldo ng mga ito at pagbibigay ng mga benepisyo.

Sa ilalim ng panukalang batas ay inoobliga ang mga bus operators na bigyan ng ‘fixed salary’ ang kanilang mga tsuper at konduktor na hindi bababa sa itinakdang minimum wage gayundin ng mga nararapat na benepisyo at insentibo.


Mahigpit din na itinatakda sa panukala ang ‘driving hours’ na hindi lalagpas sa walong oras, two-shift system, at isang oras na pahinga sa kada araw ng trabaho.

Pinagsusumite naman ang mga bus drivers ng kanilang mga operators ng ‘daily time records’ o ‘trip reports’ para mabantayan ang bilang at oras ng mga byahe.

Kapag lumabag ang mga bus operators ay mahaharap naman ang mga ito sa multa na hindi bababa sa ₱100,000 at hindi naman hihigit sa ₱200,000 at suspensyon ng prangkisa.

Facebook Comments