Kahit nilinaw na ni Health Secretary Francisco Duque ang kaniyang pahayag ukol sa flattening the curve kaugnay sa kaso ng COVID-19 sa bansa, ay patuloy pa rin itong umaani ng mga pagpuna mula sa mga senador.
Kantyaw ni Senator Francis Kiko Pangilinan, mukhang galing yata sa ibang planeta si Secretary Duque.
Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, dapat ay maging tapat si Duque ukol sa data ng Department of Health (DOH) kaugnay sa COVID-19 para makabuo ng mahusay na polisiya laban sa pagkalat ng virus.
Si Senate President Vicente Tito Sotto III, dinaan na lang sa biro ang reaksyon sa pahayag ni Duque.
Ayon kay Sotto, baka hindi flatten kung hindi fatten the curve ang ibig sabihin ni Duque dahil marami na ngayon ang tumaba.
Unang pumuna kay Duque sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Sonny Angara.
Agad namang tumawag si Duque kay Zubiri at ipinaliwanag na hindi flatten ang nais niyang ilahad kung hindi bent o nabaluktot ang kurba.
Kaya naman pinagsabihan siya ni Zubiri na mag-ingat sa mga sasabihin.