Dumating na sa Negros Island ang isang food truck at dalawang water tanker upang maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Matapos itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Alert Level 2 dahil sa “moderately explosive eruption” ng Bulkang Kanlaon, mabilis na ipinakalat ng PRC Fleet of Hope o ang food truck nito mula sa regional chapter nito sa Negros Occidental.
Ang PRC food truck ay naghain ng hot meals o maiinit na pagkain sa may 1,163 indibidwal sa munisipalidad ng Carlota, La Castellana, at Bago City.
Naka-standby naman ang dalawa pang food truck sa kalapit na mga chapter sa Cebu at Iloilo.
Samantala, papunta na sa La Carlota, Negros Occidental ang isang PRC water tanker na may kapasidad na 10,000 liters mula sa PRC Regional Warehouse and Logistics Hub sa Mandaue City, Cebu.
Ayon kay Philippine Red Cross Chairman at CEO Richard Gordon, dalawa pang PRC water tanker ang ipadadala para magbigay ng maiinom na tubig sa mga bulnerableng komunidad sa lalawigan na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Humigit-kumulang mahigit 13,000 indibidwal ang maseserbisyuhan ng mga water tanker.