Flexible learning, bagong pamamaraan ng CHED sa pag-aaral ng mga estudyante

Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) na “flexible learning” at hindi “online learning” ang kanilang ipapatupad ngayong suspendido ang klase dahil sa COVID-19 at tanging sa bahay lamang makakapag-aral ang mga kabataan.

Sinabi ni Deputy Speaker Evelina Escudero sa virtual hearing ng Committee on Higher and Technical Education na malaking problema sa mga guro sa malalayong probinsya at lugar ang mabagal na internet connection gayundin ay hindi lahat ng mga estudyante ay may internet connectivity.

Paglilinaw ni CHED Chairperson Prospero De Vera, inilalatag na nila ngayon ang redesigning ng curriculum kung saan bukod sa online ay mayroong ibang modular o pamamaraan para magtuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan ngayong nasa gitna ng krisis ang bansa.


Ilan sa mga bagong modular na gagamitin sa mga paaralan sa kasagsagan ng pandemic ay paggamit ng iba pang learning packets at modules, at pagkakaroon ng downloadable materials upang kahit anong oras ay maaari itong ma-access ng guro at estudyante kung kailan lamang may internet.

Gagamit pa rin aniya ng online o live streaming at real-time sa pagtuturo pero depende pa rin ito sa mga paaralan at kung mayroong internet connection ang lahat.

Samantala, pag-aaralan din ng CHED ang pagbabago ng grading system tulad ng “passed” or “failed”.

Nababahala kasi si Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing sa number grading system dahil ngayon ay mas mahihirap ang ibinibigay na gawain ng mga guro sa mga mag-aaral upang maiwasan ang kopyahan at para matiyak din na nararapat ang grado na ibibigay sa mga estudyante.

Facebook Comments