FLEXIBLE LEARNING METHOD PINAGHAHANDAAN NA MGA TERTIARY INSTITUTIONS SA REGION 1

SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Naghahanda na ang mga unibersidad at kolehiyo na sakop ng Ilocos Region para sa tinatawag na flexible learning method bilang pag-hahanda sa maaaring pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.

Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Region 1 Director Rogelio Galera, nagkaroon na ng massive training ang mga college instructors sa pagpapatupad ng flexible learning method. Sa ilalim nito, magkakaroon ng iba’t ibang klase ng approach na didepende sa kasanayan at estado ng mga guro at estudyante.

Lumalabas sa isinagawang survey ng ahensya na nasa 42% ng mga tertiary institution sa rehiyon ang may kakayahang magpatupad ng full online classes at nasa 53% naman ang nasa antas ng low level technology. Kaya naman isinasaalang-alang ng kumisyon ang mga guro at estudyante na limitado o walang kakayahang makiisa sa mga online classes.


Nakikitang solusyon dito ay ang pagpapatupad ng flexible learning method tulad na lamang ng pagbibigay ng take home activities o materials sa mga estudyanteng walang access sa internet para sa tuloy-tuloy na pagkatuto.

Sinabi pa ni Galera maaaring mag-simula na ng klase ang mga tertiary institutions na may kakayahang magpatupad ng online classes sa darating na Agosto samantalang ang mga mag-papatupad ng flexible learning methods ay maaring mag-simula sa buwan na ng

Setyembre. Hindi rin inaalis ang posibilidad na magkaroon pa rin ng full implementation ng face to face classes basta masunod ang minimum health standards.

Facebook Comments