Umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pribadong kumpaniya na apektado ng banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 na magpatupad ng ‘flexible working scheme’.
Ayon kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, partikular nila itong ipinanawagan sa sektor ng turismo.
Nabatid kasi na lumalabas sa mga ulat na libu-libong manggagawa sa travel agencies, airline, hotels at restaurants ang naapektuhan ng travel restrictions dahil sa COVID-19 outbreak sa buong mundo.
Sinabi pa ni Tutay, na nasa 35 establisyimento na sa Western Visayas, Central Visayas, Soccsksargen na may 3,255 manggagawa ang nag-adopt na ng flexible work scheme.
Nakiusap din siya na kung maaari ay i-promote sa mga balita ang flexible week arrangement bilang alternatibong paraan para maisalba ang trabaho ng ilang indibidwal sa halip na iulat ang bilang ng mawawalan ng trabaho.
Ipinaliwanag naman ni Bureau of Working Conditions (BWC) Director Ma. Teresita Cucueco na ang flexible work scheme ay ang pagbabawas ng araw ng pasok, rotation ng manggagawa at pagbabawas ng oras ng trabaho.
Habang pasok pa rin aniya sa ilalim ng scheme ang ‘no work, no pay’ policy.