Inilibing na ang mga labi ni Christine Dacera, ang flight attendant na natagpuang patay sa isang hotel sa Makati City.
Pasado alas-10:00 kaninang umaga nang maihatid sa huling hatungan ang mga labi ni Christine sa Forest Lake Cemetery sa General Santos City.
Bago ang libing, nagsagawa muna ng bible service saka isa-isang nagbigay ng mensahe ang mga magulang, kaanak at kaibigan ni Christine.
Dasal ng ina ni Christine na si Sharon Dacera na maibigay ang totoong hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak.
Kahapon nang dumating sa General Santos City si National Bureau of Investigation (NBI) Deputy-Director Ferdinand Lavin kasama ang iba pang foresic team mula Maynila, Davao City at General Santos para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant.
Kinumpirma rin ng NBI na tukoy na nila ang ilang personalidad na nag-check in sa room 2207.
Bukas ay inaasahang lulutang sa NBI ang 11 personalidad na idinadawit sa kaso matapos mabigyan ng subpoena.