Inihayag ng AirAsia na dahil sa tumataas na demand ng inbound ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong ngayong holiday season magiging tatlong beses na kada linggo ang flight ng AirAsia simula sa December ngayong taon.
Ayon sa AirAsia, makikita sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW) na mahigit 188,000 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Hong Kong noong August, 2022.
Tatapusin ng AirAsia Philippines ang Q3 2022 para sa rutang Manila-Hong Kong nito na may 70% load factor na hudyat ng uptrend sa demand patungo sa pagtatapos ng taon.
Ibinahagi ni AirAsia Philippines Chief Executive Officer Ricky Isla na ang Hong Kong ay nananatiling isa sa mga nangungunang host ng mga OFW sa Asya.
Layon ng low-cost airline na bigyan ang ating mga kababayang OFW ng pagkakataong makauwi na may mababang pamasahe at world-class na serbisyo.
Inaasahan ang higit pang mga flight papunta at mula sa mas maraming destinasyon ng AirAsia sa lalong madaling panahon para makamit nito ang pre-pandemic international operational capacity sa unang kalahati ng taong 2023.